
SA UMAGANG KAGAYA NGAYON Sa umagang kagaya ngayon ang mga ulap ay nagkukumpulan sa bughaw na kalangitan na aking pinagmamasdan masuyong tinititigan pinapangakuan ng mga pangarap na nakakulong sa isipan at nanatiling nakatali sa isipan kahit pa man sa umagang kagaya ngayon Sa umagang kagaya ngayon ang sinag ng araw ay malumanay na haplos sa mga matang paminsan-minsan ay aking ipinipikit upang maramdaman ang halik ng araw na s'yang pumupukaw sa mga pangarap na nakakulong sa isipan sa umagang kagaya ngayon At noon ko na rin natanto na ang langit kapag napatagalan mo nang titig ang mga ulap kumpul-kumpol man o dili kaya'y manipis na bulak ang mga ulap ay patuloy na gumagalaw at patuloy na lumalayo Subalit hindi ko alam kung ang mga ulap ay nagpapaalam dahil ako rin ay humahakbang papalayo sa pinanggalingan ng mga pangarap kong nakakulong sa isipan Bawat araw, bawat linggo, bawat buwan, bawat taon bawat hakbang patungo sa hinaharap bawat panibagong pangarap ay kamatayan ng mga lumang pangarap na hanggang sa umagang kagaya ngayon lumilipad na mga ulap sa bughaw na kalangitan ang mga pangarap na nakalimutan ay nananatiling nakakulong sa isipan
|