ULAP NA PAGKAPUTI-PUTI (SA LABAS NG BINTANA) Sa labas ng bintana ay aking nakikita ang ulap na pagkaputi-puti ang ulap na pansamantalang tumatabon sa kalangitang akin na ring napagmamasdan ngayon Ang ulap na pagkaputi-puti ay tila bulak tila sanggol na pagkalambot-lambot isang ngiting hindi ko na halos matandaan bagamat nanggaling sa dating hinirang marahil ay dahil nanggaling sa dating hinirang Ngayon na nga ang ulap sa labas ng bintana ang s'ya ngayong nagdala n'yaring ngiti sa labi kong hanggang ngayon ay lumilimot pa rin ng mga halik mula sa iyong labi Ulap na pagkaputi-puti sa labas ng bintana napagmamasdan ulap na sa wari ay napakalapit maabot ko kaya maabot ko kaya ang langit Ulap na pagkalapit-lapit sa unang pagtanaw, ako'y napaibig sa unang pagtingin, ako'y naligalig sa unang pagkita ay akin nang natantuhan na gaano man naisin kang hawakan Ulap na pagkaputi-puti Sa panaginip ko lamang naninirahan Ikaw, kasama ng mga dating inibig ko rin minsan
|