Ang Pinto Ko (Ay Laging Bukas) Ang pinto ko ay laging bukas sakali mang ikaw ay magawi sa sulok nitong mundo kung nasaan naroroon ako Dahil sakali mang ikaw ay maligaw sa panig nitong kalawakan na akin pa ring pinagmamasdan at pinapakiusapang ikaw ay samahan Dahil irog hindi ko maatim na ikaw ay mapanglaw at nag-iisa kahit hindi ako ang kasama hindi maatim na lumuha ang iyong mata Mga matang minsan din naman ay napatitig sa mga matang napatitig sa mga matang ang nakita ay ako Minsan pa ay tanda ko ang ligaya ang mga ngiti at masasayang tawa at mga halik na walang kasing-tamis at kutis na walang kasing-kinis Ang hiningang amoy kamia na sinaluhan ng buntung hininga at sinabayan ng pagluha sa ligayang nadama Giliw, sakali mang ako'y hanapin at kailanganin ang aking pakikisama at sakali mang hanapin ang aking haplos at marinig ang boses bagama't paos Giliw, nawa'y iyong pakatandaan na ang pinto ko ay laging bukas sa pag-asang ika'y babalik at naghahanap ng aking mga halik Halik na sa pinto kong bukas ay s'ya ring halik na ibinibigay sa iba pang mga bumabalik
|