SULYAP SA NAKARAAN Kahapon lamang nangyari Subalit hindi ko na matandaan ang mga pangyayari Marahil ay dahil sa ninais ko nang malimutan Ang hapdi at kirot na naranasan Kahapon ay muli kong nahagkan ang rosas Na muli ring tumusok sa bibig ko't pumilas Hanggang sa ang dugo'y umagos at umapaw Hanggang sa wala nang makarinig sa aking hiyaw Kahapon ako ay nakatawa Subalit ang anino mo ay muli kong nakita Sa labas ng pintong hindi ko naisara Ang pintong nagnanais na bumalik ka na Subalit ni hindi mo man lamang napansin Ang pintong bukas papunta sa akin Marahil ay iba na ang iyong mga kasama Dahil ibang pintong bukas ang iyong isinara Kahapon lamang nangyari Ang kahapong iniyakan ko buong gabi Ang kahapong bumubulabog muli at muli Ang kahapong dumudurog muli at muli Dahil nandoon nga ako at nakatanaw Sa pintong bukas na mayroong ikaw At ninais ko sanang magpakita At ninais ko ring minsan ay mayapos ka pa Subalit doon na lamang ako sa dingding nagtago Habang nagdurugo ang umiiyak na puso Bakit ba ikaw ay kaylayo Bakit may dingding na namamagitan sa ating puso At noon din nga, ang mga kalooban ko'y nagtatalo Dahil yakap mo pa rin ang hinahanap-hanap ko At kahit na minsan lamang ay madama muli Ang kaligayahang minsan sa aki'y nakatali Isang siglap, isang tanaw Isang ngiti, isang ikaw Isang yakap, isang ako Dahil nagmamadali na ang bagong kasama ko At noon ko na rin nga nadama Ang kirot na dulot Nitong miminsanan at mumuntiing Sulyap sa nakaraan
|