Hulog Ng Langit Ano na nga ba ang nais kong sabihin Ano na nga ba ang ninais na sambitin Laman ng bawat kong panalangin Ako kaya'y makakaya mong mahalin Ang mga katagang laman ng isipan Ay s'ya ring hindi ko masambit sa iyong harapan Hindi dahil sa takot akong mapagtawanan Ang kinakatakutan ko'y mawala ka ng tuluyan Minsan, minsan lang naman nangyari Ang mga mata mo'y napatitig sa kanan At ang ilong mo't pisngi'y natitigan ko nang pansumandali Isang sandali ng kaligayahan nadama ng buo kong katauhan Dahil noon ko napansin ang pisnging hugis-mansanas Sa kinis, sa kulay, sa hugis ng tanging bagay Na noon din ay ninais kong kagatin at lasahan At halikan at haplusin at sa buong katawan ay idiin Hindi ko alam kung napansin mo rin ang aking mga titig Ang mga matang walang kurap at nanginginig Mga matang nagnanais at nagsasamo Sulyap mo man lang ay kaligayahan ko Araw-araw, ang mga ulap na tinitingala ko Ay paiba-iba ang kulay tulad ng mga damit mo At paiba-iba ng hugis tulad ng mga kasama mo Kasalo at pampainit lamang sa ginaw ng gabi, 'ika mo Ang hindi ko malaman ay kung bakit patuloy kong ginagawa Ang sa mga ulap sa langit ay tumingala At tumitig nang tumitig na para bang nagmamakaawa At sa ulan ay maghintay ng pinapanalanging biyaya
|