KIROT Kanina ay muli na naman akong nanaginip Ng walang kasing hapding kalungkutan Walang kasing pait na kaguluhan Na ewan ko ba kung bakit hanggang ngayon Ay hindi ko pa rin matutunang makalimutan Mabigat na damdamin ang sa puso' y nanirahan Malayo ang pananaw ng mga matang walang nakikita Marahil ay dahil sa ayaw pa ring makakita Dahil paminsan-minsan ay mas magaan na Ang magbulag-bulagan sa mahapding katotohanan Naglalakad akong mag-isa Habang sa langit ay sumabog Ang maiitim na mga ulap Kasing-itim ng puso kong Ngayon nga'y nais na ring sumabog Ewan ko, hindi ko mawari Kung saan nanggaling ang damdaming aking inari - Hulog ng kapus-palad na langit? Dala ng malamig na ihip ng hangin? Hanging nanggaling sa bibig ng minsan kong inibig Ganunpaman, ang kirot sa aking dibdib Ay apoy na sumusunog sa aking kaluluwa Ang s'yang bumubunot ng bawat kuko sa kamay ko at paa Hanggang sa ang kirot ay lumabis na At naging manhid, hanggang sa ang kirot ay hindi ko na nadama At noon na rin nga ako'y napatingin sa kaliwa At aking nakita ang larawan n'ya sa bintana Puti at itim, hindi kagaya ng iba kong makukulay na mga panaginip Ganunpaman, ang dulot sa akin ay ligaya Bigla na lang nalimutan ang kirot na hindi na madama Ah! Ano nga ba naman ang nasa mukha Tsinitang mga mata, at pilikmatang tumalbog sa kanyang pagtawa Kapirasong ilong at kapirasong bibig Kapirasong tawa mula sa aking inibig At malambot na buhok na tumabon sa singkit na mga mata Mga matang walang kulay Kagaya ng larawan n'yang minsan sa aki'y ibinigay Isang saglit ko lang napagmasdan Ang walang kulay na mukha mong binura kaagad ng isipan Dahil noon din ay aking nalaman Na ako'y nananaginip na naman Subalit wala na ring kirot na nararamdaman Magaan na ang aking kalooban Isang titig sa iyong larawan At napawi lahat ng kasakitan Kahit pa nga aking nalalaman Ika'y panaginip na lamang.
|