KAPUTIAN Kung bakit ako nangangamba Ay hindi ko maipaliwanag May mga boses Na naglalaro sa isipan At pumupukaw sa inaantok Kong katauhan na para bang Mga daliri, mga kamay, mga brasong Yumuyugyog sa natutuliro kong kapalaran At aking napapakinggan Ang paminsan-minsang halakhak Na kung saan man nagmumula Ay hindi ko na matandaan Iminulat ko ang mga matang Nagnanais pa ring pumikit At aking pinagmasdan Ang kaputian ng mga ulap Na bumabalot sa aming daigdig Kaputiang tumatabon sa bughaw na kalawakan Kaputiang ayaw man lamang mangako ng kaluwalhatian Kaputiang tunay na kaputian Liwanag na tumatabon Liwanag na kumukupkop sa bawat kulay Pati na sa nakabalot pa ring kaputian Ah! Anuman ang nangyari O ano pa man ang maaaring mangyari Sa pagmulat n'yaring mga mata Kagaya ng mga dati-rati na Ay ikaw ang inaasahang unang makita Mga matang ang tawa ay halakhak ng bata Namimilog, nawawala Bumubukas, sumasara Halos kasabay ng iyong pagkanta At ninais kong haplusin ang pisngi Na hindi ko alam kung bakit Ay nawala at hindi ko na makita Hindi ko na madama, hindi ko na makapa Dahil ang ulap, gaano kahigpit ko mang hawakan Ay nagpupumiglas, nakakahanap ng paraan Na makawala, gaano kahigpit ko mang hawakan Kung bakit ninais kong matulog Ay hindi ko malaman Kung bakit ninais kong mapikit Upang makita lamang ang iyong larawan Kung bakit ninais kong managinip Upang makasama ka lamang Kung bakit patuloy kang iniibig Ay ayoko nang malaman Kaya't balutin mo ang aking mundo Balutin mo n'yaring kaputian Bago ako mamulat At matutong humarap sa katotohanan |