NAGKATAON Nagkataong ako'y muling nagambala At sa mga mata'y mayroon na namang Namuong patak ng luha Kabog sa dibdib ay naririnig Ng mga paang ngayon na rin nga'y nanginginig At maaaring ang mga kamay ay tumabon Sa mga matang ayaw pa ring bumangon At humarap sa nakakalokong katotohanan Katotohanang sumusugat muli sa puso Pusong muling nalulumbay Marahil ay dahil na naman sa nagambalang pagkakataon Ano nga ba naman ang nagdala nitong larawan Nalilitong isipan o nakalimutang nakaraan Marahil ay ang nakakahilong halimuyak Nitong nalalantang rosas O baka naman kaya'y ang kaligayahan At kasayahan nitong nagluluksang gumamela Ah! Ganoon pa man ay nabuo sa isipan Ang mukhang sa hangin ay nakikiduyan Maskarang kasing itim ng uling Maskarang kasing pangit ng uling Maskarang kasing rupok ng uling Dahil nagkataong aking tinangkang haplusin Ang mumunting ilong Na minsan din nama'y nahagkan Subalit nang aking maramdaman Ang pisngi, ang bibig, ang mga mata At ang mumunting ilong Na ninais mahagkan kanina Ay bigla na lang natunaw At naging abo Lumipad sa lahat ng dako At nag-iwan ng mga pirasong Bumulag sa paningin ko Inaamin ko Na nagkataong ako'y napaluha Para sa mga alaala Para sa mga gunita Subalit lahat nito'y Luha ng tuwa Dahil minsan pa Ay nagkataong Muling ika'y nakapiling pa
|