IKINAHIHIYA Minsan ay aking ikinahihiya Ang mga salita Ang mga katotohanan Na hindi ko alam Kung saan minsan nagmumula Minsan ay ikinahihiya ko rin Ang mga damdamin Ang mga luha at tuwa Na kung saan man nanggaling Ay hindi na rin siguro mahalaga Subalit minsan ay akin ding napagtutuunan ng pansin Ang mga katotohanang ikinahihiya ko pa rin Na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam Kung saan nagmula at saan nanggaling Maaaring ang katotohanan ay galing Sa tuyong buto ng bayabas Na minsan ay naipit sa singit Sa gitna ng dalawang Nabubulok na ngipin O baka naman kaya Ay galing sa halimuyak Ng mapanuksong bulaklak Ng gumamela At kung bakit aking minsa'y ikinahihiya Ang mga katotohanang nagpakita Ay maaaring dahil minsan Minsan ako'y nabubulag Sa liwanag Sa anino Ng mga anino at katotohanan At ng mga anino ng katotohanan Mga batang takbo nang takbo Patawa-tawa pa at paluksu-lukso Habang sila'y naglalaro Sa aking isipan Isipang kanila ring pinaglalaruan Kung kaya nga ba't kataka-taka Kung bakit minsan ako'y nabubulagan Kung bakit minsan ay aking ikinahihiya Ang mga katotohanang sa akin ay nagpapakita Ang mga katotohanang minsan ay 'di ko rin makita Sa pagsikat ng araw bawat umaga Ay aking pilit na hindi malimutan Ang aking mukha, ang aking mga mata Ang aking sarili Na minsan, Minsan ay akin ding ikinahihiya
|