
ISANG PANGKARANIWANG UMAGA Ang araw, ang mga ulap na tumatabon Na minsan din naman ay inakala kong mapaglaro 'Yon pala ay hindi na nagbibiro Nasasaktan na at hindi na kumikibo Nasugatan na rin ang dati'y matigas na puso Isang pangkaraniwang umaga Walang hatid na balita Balitang masama, balitang masaya Balitang lumipas na O dili kaya'y mga balita Ng mga darating pang pangkaraniwang umaga Isang pangkaraniwang umaga noong aking mapansin Ang hardin Ng paghihirap Ng itinuturing kong sinta Bunga ng bayabas Katas ng mangga Bulaklak ng mga orkidya Hindi ko malaman kung bakit naging laman N'yaring nagpapahingang isipan Ang bango at kulay ng mga halaman Ang kaputian ng mumuntiing mga kalapating Nakikisayaw sa ihip ng hangin Ang ungol ng mga tigreng kumakaway Nang-aakit, nang-eengganyo, nanunukso Habang ang mala-s'werteng langaw Ay nagpupumilit na makahulagpos Sa makamandag na yakap ni Venus Bakit nga ba minsan ay nangyayari Na ang inaakala mong pagmamahal Yakap na napakahigpit Halik sa labing hindi nakakalimutan Bakit nga ba minsan ang pagmamahal ng labis Ang s'yang pumapatay sa labis na pagmamahal Minsan lamang kami nagkaalitan Parang mga batang nagkatampuhan Minsan lamang s'yang nagpaalam At ako, parang batang inagawan ng laruan Minsan lang din, Minsan din lamang ako napayakap ng lubusan Minsan lang nga At ang niyakap ko'y nawala na ng tuluyan At ako na lamang ang naiwan Naiwan sa hardin Ng ngayo'y nalalanta nang mga halaman Ang araw, ang mga ulap na patuloy na lumalayo Ang s'yang maaring nagiging dahilan Kung bakit ang buong kamunduhan Ay naghihilab, kumukulo, naiinitan At ang tubig, ang tubig na minsan din naman Ay pampahid sa uhaw Ay s'ya ring unti-unting pumapaso sa kalamanan Kalamanang unti-unting naiiga Pinipiga ang bawat n'yang alaala Dahil ang ulap ay pabago-bago na At ang mga halaman sa hardin ay naiiba na rin Subalit ang araw, ang araw ay naririyan pa rin At s'yang tangi kong kasama Sa patuloy kong paghihintay Sa lumisan kong sinta

|