MULI AT MULI Paminsan-minsan sa ating buhay Ay 'di maiiwasan ang malumbay Minsan pa nga'y pati ang langit Ay nakikihati sa lungkot at galit Ikinukubli ang buwan Sa pulumpon ng maiitim na mga ulap Na luha pa rin ang alay Sa pusong matamlay Dahil paminsan-minsan Ay larawan mo pa rin ang ninanais na titigan Larawang ilang beses ko na nga bang pinunit Ginupit, subalit muli at muli ay pinagdirikit Kasalanan ng buwan Ilang beses na ba n'yang hinagkan Ang hubad kong katawan Ilang beses na ba n'yang ako'y tinitigan Pinaglaruan, pinagpaalaman, pinarusahan Upang muli at muli ay kanya uling mahagkan Muli at muli, paminsan-minsan Ay halik sa pisngi ang sa paggising ay inaasahan Kahit pa nga muli at muli ay lumbay ang nararanasan Dahil paminsan-minsan, ako ang tanging nasasaktan Ilang beses ko na nga bang inilaan At ang mga bulaklak ng Mayo'y inalay sa iyong harapan Puting bulak ng gardenia, Dilaw na rosas na may bahid ng dugong tumulo Sa nagsusumigaw ko pa ring puso Pati na ang inosenteng sampaguita Na ang halimuyak at halakhak Ay 'di ko na kaya pang langhapin at pakinggan Habang s'ya'y namamatay sa iyong paanan Tinatapakan Ginagahasa, at ninanakawan Ng tangi nitong kayamanan Ang halimuyak na nalalanghap ng sanlibutan Ang tanging halimuyak na sa aki'y muling nagpapaalala Ng paminsan-minsang haplos sa pisngi mo sa umaga Na alam ko pa ring tanging luha ang dala Subalit muli at muli ay akin pa ring hinahalina
|