GUNITA Sa hapon na ang mga ulap Ay tila usok Ng bulkang kasasabog Bagama't ang mga ulap Di katulad ng maiitim na mga usok Ang mga ulap ngayong hapon Ay walang kasing-puti Walang kasing-sinag Sa walang kahihiyan nitong pagkintab Sa ganitong mga hapon Ay aking sinasariwa Ang mga gunitang nalalabi sa isipan Gunitang para bang mga ulap sa malayo Nawawala sa kagandahan at kakislapan Ng mga ulap na walang kasing-puti Mga ulap, na sa walang kahihiyan nitong pagkintab Ang tanging ulap kong natatanaw Ay ang kagandahang may itinatago At kagandahang bumibihag ng aking puso Ano nga ba naman ang nangyari? Noon, Ang pag-ibig Ay birheng walang konsens'ya Kasing tamis ng ngiti Kasing puro ng bughaw na langit Bago ito ginahasa Ng mga bituing maningning Bituing may palaging ipinapangako Bituing kailanman Ay hindi pala naging akin Kaya't heto ako Nasa piling ng mga ulap na walang kasing-puti Mga ulap na tumatabon Sa mga ulap na hindi ko na mapansin At sa mga ulap na hindi na rin pinapansin Ng mga matang nabago na ang mga paningin Maliban nga lang Sa mga hapong may mga ulap Na gumigising sa natutulog kong damdamin At maliban din Sa mga hapong tanaw ko ang kabughawan Ng nalulungkot na kalangitan At maliban na rin Sa mga hapong ang tanging natitira Sa naglalaho kong gunita Ay ang di-malimutan mong mukha
|