Mangyari Mangyaring kahihinto lamang ng unos At ang boses n'yang kulog sa aking dibdib Ngayon nga ay napaos Subalit ang sugat na naiwan Para bang sa isipan ay isang larawan Hindi man pansinin ay hindi malilimutan Mangyaring bughaw na naman ang kalangitan Maaliwalas at walang kabang nararamdaman Mangyaring puti na naman ang ulap na naglalaro At nanunukso sa nagluluksa ko pa ring puso Kaybagal matuyo n'yaring luha Kaybagal mawala ng mga gunita At ng mga alaalang ang dala pa rin ay luha Burahin sa isipan, bakit hindi ko magawa Isang tingin at kakaunting haplos sa mukha Yakap na kayhigpit sa paniniwalang mag-iisa Ang dalawang pusong kumakabog at nagdurusa Sumisigaw, humihiyaw, nalulunod sa maling pag-asa Dapat sana'y nakita ko kung saan papupunta Subalit ang mga kamay ko't mga mata Ay gumagala sa buong katawan n'ya At hindi ko nakita ang kanyang mga mata Mga matang may luha Subalit inakala kong dala lamang ng ligaya "Mahal kita," bakit nga ba ako naniwala Subalit sa tuwi-tuwinang aking mapagmasdan Ang mukha, ang buhok, ang mga mata At sa bawat panahong aking nahahagkan Ang patuloy na minimithi kong kagandahan Isang larawan, isang ngiti, aking kapaligiran At muli na naman ay bumabalik sa alaala Kaligayahang sa iyo lamang nadama Kaligayahang akala ko'y walang katapusan Dahil paano ko ba maiisip ang iyong paglisan Subalit ngayon nga't ang unos ay huminto na At ang langit ay mukhang masaya na naman Aking hahanapin ang nawalang kaligayahan At hahabulin na naman ang ulan
|