BITUING AKIN Kung sakali mang ako'y muling umibig Ay 'di na muli pang makikinig Sa lahat ng hinaing at hinanakit N'yaring pusong hanggang ngayo'y may sakit Ito ang katotohanan ng mga pangyayari Na tanging puso lamang ang s'yang saksi At tanging puso lamang ang nakakaalam At tanging puso lamang ang s'yang nasugatan Sa simula ay ang mga nakalimutang halik Tanging puso lamang ang s'yang nakadama Dahil ang pisngi'y may bahid pa ng luha Luha ng mga matang ang init ay nawala Kagaya nga n'yaring lagablab ng iyong halik Kung saan man napunta, nais ko'y iyong ibalik Subalit tanging puso lamang ang nagambala Lahat ng katawan ko'y iba ang inaalala Ang malambot mong pisngi Na kaysarap na almusal sa umaga Ang kaybango mong leeg Na tanghalian ko't hapunan pa Mahagkan ka't masilayan pa Habang nilalaro-laro mo Ang walang kasing-habang buhok Na kasing-itim ng langit Sa mga gabing ang mga tala Ay nahihiyang magpakita At karapatan ng mga tala ang hindi magpakita Dahil sa mga gabing kagaya nito Lahat ng mga tala ay masisilaw Lahat ng mga tala ay magugunaw Lahat ng mga tala ay maiinggit Sa bituing ngayong gabi Ay hubo't hubad at nasa aking tabi Ah! Subalit ano nga ba naman Ang alam n'yaring puso Halik sa aking bibig at ito'y napapaso Haplos sa balikat at ito'y natutuliro Umiiyak at humihiyaw Dumadabog at nagsusumigaw At huli na nang aking namalayan Na ang bituin ko'y umalis na't lumisan Hindi na mahalaga kung s'ya man ay nagpaalam Sa pitaka ko'y nawala ang limandaan |